Home NATIONWIDE Mga negosyanteng Tsinoy tutulong na pagpapadeport ng 500 undocumented Chinese

Mga negosyanteng Tsinoy tutulong na pagpapadeport ng 500 undocumented Chinese

MANILA, Philippines – Tutulong ang grupo ng mga negosyanteng Filipino Chinese para mapa-deport ang nasa 500 undocumented Chinese nationals sa bansa.

Lumagda ang Department of Justice at Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry ng Memorandum of Understanding (MOU) para sa paglalaan ng chartered flights sa mga deportee.

Sinabi ni Justice Undersecretary Jesse Andres na kabilang sa 500 na ipatatapon pabalik ng China ay mga walang ligal na dokumento at mga may nakabinbin na kaso sa kanilang bansa.

Ayon kay FFCCCI President Dr. Cecilio Pedro, nakipag-ugnayan na sila sa Philippine Airlines kaugnay sa usapin.

Agad naman dumipensa si Andres sa sinasabing ang gobyerno ng Pilipinas at ng Filipino-Chinese community ang gagastos sa pagpapadeport ng mga iligal na tsino.

Ayon kay Andres, naiintindihan umano ng Pilipinas ang sitwasyon ng China.

Nilinaw din ni Andres na hindi kasama sa unang batch ng idedeport ang mga naarestong chinese nationals mula sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operations hubs sa Pampanga at Tarlac.

Uunahin aniya ng Pilipinas na ipadeport ang mga tsino na Persons Deprived of Liberty na wala ng kaso at maari nang ipadeport. Teresa Tavares