Home OPINION MGA OFW ILIGTAS SA PAGLAWAK NG GIYERA

MGA OFW ILIGTAS SA PAGLAWAK NG GIYERA

GAANO ba karami ang mga Pinoy na nakakalat sa loob at paligid ng Gaza at Israel na naggigiyera ngayon?

Sa Israel, may 30,000 Pinoy habang may ilang daan naman sa Gaza, lalo na ang mga ayaw umalis dahil nakapangasawa sila ng mga Palestino na mamamayan ng Gaza.

Sa paligid ng dalawang bansang ito gaya ng Jordan, may 40,500; Lebanon – 33,500; Syria – 800; Djibouti – 200; Yemen – 150; Iran – 1,200; Egypt – 4,000 mahigit; Iraq – 1,600; Sudan – 146; at Saudi Arabia – 1,777,000.

 Kung isasama ang mga tago-nang-tago o TNT, naglalaro ang bilang nila sa 2 milyon, mga Bro.

Pero dapat isama natin ang libo-libong crew ng mga barko na naglalayag sa Suez Canal sa Egypt, Red Sea at Dab el-Manded sa Yemen.

Sa ngayon, nakabilanggo pa rin ang 17 Pinoy crew ng barkong Galaxy Leader sa Yemen makaraang haydyakin ng mga Houthie ang barko.

Ang pinakamalalaking kompanya ng barko gaya ng Mediterranean Shipping Company, Maersk Line, Hapag Lloyd, CMA GMA, Evergreen at BP, tumigil na sa pagbiyahe sa Red Sea.

Sa ngayon, ang giyera ay sa Gaza, Israel, buong Red Sea, bahagi ng Lebanon, bahagi ng Syria, bahagi ng Jordan at pitik-pitik sa Iraq at Iran.

Dahil ayaw tumigil ang pagbomba ng Israel sa Gaza at paminsan-minsan sa Syria at Lebanon, walang nakaaalam kung lalong lalawak o hindi ang digmaan.

Ang sigurado, kumukulo na rin ang giyera sa Red Sea sa pag-atake ng mga Houthie sa Yemen bilang suporta nila sa Hamas sa Gaza, kaya tumigil ang mga nasabing kompanya na magpabiyahe sa karagatang ito.

Medyo umuusok din sa Iran dahil sinasabotahe umano ng Israel ang pamahalaang Iran, kasama ang mga sistema ng distribusyon at suplay ng langis nito.

MGA OFW TIYAKING LIGTAS

Magpasalamat tayo at pinaiiral ang lamig ng ulo ng mga Arabong bansa ngunit sino ang makapagsasabing hindi sila lalahok sa digmaan?

Lalo’t ayaw magpaawat ang Israel sa kabobomba sa Gaza?

Sa United Nations General Assembly kamakailan, nasa 153 mula sa mahigit 190 bansa ang nanawagan ng tigil-putukan ng Hamas at Israel.

Nitong huli, pati ang Vatican City at France, nanawagan na rin ng ceasefire dahil pag-atake ng Israel sa Katolikong Simbahan at pagpatay ng Israel sa ilang mamamayan ng France.

Ngunit hindi natitinag ang Israel sa pagbomba at paglusob, gamit ang mga suplay na eroplano, bomba, missile at bala na suplay ng mga Amerikano.

MGA OFW HANAPIN AT ILIGTAS

Hindi pupwedeng magpakampante ang pamahalaan, at tayo na rin, lalo na ang mga may kamag-anak sa nasabing mga bansa.

Dapat silang kontakin at hanapin sila lahat, kumustahin, at tulungang makauwi sa Pinas o makapunta sa mga ligtas na lugar.

Pinakamahalaga pa rin ang buhay at huwag silang ipako sa mga lugar na may giyera dahil lang sa padala nilang salapi sa atin sa Pinas.

Previous articleLotto Draw Result as of | December 20, 2023
Next articlePinas may 440 bagong COVID cases