MANILA, Philippines – Tatlong overseas Filipino workers ang nasagip ng mga awtoridad dahil sa human trafficking sa Myanmar.
Ayon sa ulat, ang mga ito ay pwersahang pinagtatrabaho bilang scammer at kinukuryente pa o kaya naman ay kinakadena.
Mismong ang mga asawa ng mga biktima ang nagkwento kung ano ang ginagawa ng mga employer ng mga ito, malayo sa pangako na sila ay magtatrabaho bilang call center agents sa nasabing bansa.
Pinangakuan din umano ang mga ito ng mahigit P50,000 kada buwan na kita, kabilang ang komisyon.
“Sa Facebook, ayun na nagchachat na sa kanila sige kami gagastos dyan sige kami na bahala pagdating doon porsyentuhan na lang doon,” sinabi ng isa sa asawa ng mga OFW na biktima, sa GMA News.
Bumiyahe ang tatlong biktima sa pamamagitan ng bangka mula Zamboanga patungong Malaysia, at patungong Thailand hanggang sa makarating ng Myanmar sakay pa rin ng isang bangka.
“Thailand po pangako sa kanila tapos nagtataka na lang asawa ko bakit siya tinawid sa bangka tapos piniringan daw hanggang nagulat na lang siya may van na sumundo sa kanila,” anang asawa.
“Scammer po sila. Kapag naka-invest na ng buong pera ang tao hindi na nila ibabalik, sa kumpanya na nila mapupunta ang perang yun,” dagdag niya.
Kapag hindi maabot ng quota ng pang-iscam ay binibihag umano ang mga ito sa loob ng 40 araw at sinasaktan pa sa loob ng “penalty room and black room.”
“Pinoposas daw po sila tapos bago daw sila pakainin ng dalawang pandesal at mineral na tubig kukuryentihin daw muna sila at lalatiguhin,” pagbabahagi ng isa pa sa asawa ng mga biktima, sa panayam ng GMA.
Katulad ng ibang survivor, kailangan magbayad ng blood money para lamang pakawalan ang mga biktimang OFW.
“Kapag nakabayad ka kagaya nung mga nakapagbayad, nakakalabas ng compound bahala na kung sino susundo sayo dun kung police ng Myanmar o police ng Thailand,” aniya.
Lumapit na ang mga ito sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Samantala, hinimok naman ng IACAT ang pamilya ng mga biktima na ipadala sa ahensya ang buong detalye para makapagsimula na ng imbestigasyon.
Ani Undersecretary Nicholas Ty, sinisilaw ng mga human trafficker ang kanilang mga biktima ng mataas na sahod.
“Iyong mga passport, pagdating nila sa ibang bansa ay kinukuha iyong mga passport nila, sama-sama iyong mga passport ng mga iba‘t ibang mga banyagang manggagawa, that’s another indication of human trafficking. Tapos kung may mga abuso na nagaganap sa kanila tuwing, halimbawa, hindi sila kumu-quota o gusto nilang umalis, iyan, isa pa iyang badge of human trafficking,” ani Ty. RNT/JGC