MANILA, Philippines – Dalawang volcanic earthquakes kabilang ang isang volcanic tremor event mula noong Hulyo 20 ang naitala sa Taal Volcano sa Batangas sa nakalipas na 24 na oras, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Sabado.
Ang nasabing pagyanig ng bulkan ay nagpapatuloy mula 5:04 ng umaga ng Hulyo 20, ayon sa bulletin ng PHIVOLCS.
May 3,305 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan noong Hulyo 19. Naobserbahan ng PHIVOLCS ang pagtaas ng mainit na likido ng bulkan sa Main Crater Lake.
Samantala, naglabasan ang malalaking abo mula sa bunganga na umabot sa taas na 2,400 metro. Ang mga abo na ito ay lumipad sa timog-kanluran at kanluran-timog-kanluran.
Inulit ng seismic bureau ang rekomendasyon na panatilihing off limits ang permanent danger zone o PDZ ng Taal Volcano Island, lalo na ang Main Crater at Daang Kastila fissures.
Gayundin, hindi pinapayagan ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa Taal Volcano. RNT