Home HOME BANNER STORY Mga parak target ibalik sa ‘pito at batuta’ sa police ops –...

Mga parak target ibalik sa ‘pito at batuta’ sa police ops – Acorda

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Philippine National Police chief Gen. Benjamin Acorda ang pagrepaso sa mga umiiral na patakaran sa paggamit ng baril ng lahat ng unipormadong tauhan ng PNP at iginiit niya na ito ay dapat ang palaging huling paraan sa anumang operasyon.

Inilabas ni Acorda ang kautusan matapos mahatulan ng Navotas court ang isang police staff na si sarhento Gerry Maliban sa kasong homicide kaugnay ng pagkamatay ni Jemboy Baltazar na nasawi sa kamay ng mga pulis ng Navotas dahil sa kasong mistaken identity.

Si Maliban ay hinatulan ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong at inutusang magbayad ng P50,000 habang apat na iba pang pulis na sina Police Staff Sergeant Niko Pines Esquilon, Police Executive Master Sergeant Roberto Balais Jr., Police Corporal Edmard Jake Blanco at Patrolman Benedict Mangada, ay hinatulan din sa kasong iligal na paglabas ng mga baril at hinatulan ng apat na buwang pagkakakulong.

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na itinutulak ni Acorda ang mahigpit na pagsunod sa police operational procedures sa anumang operasyon, na kinabibilangan ng paggamit ng mga pulis ng baril para lamang ipagtanggol ang kanilang sarili.

“Bilang offshoot ng insidenteng ito, ang ating Chief PNP, Gen. Benjamin Acorda, Jr., ay naglabas ng direktiba para sa pagrepaso sa mga umiiral na police operational procedures, partikular sa paggamit ng mga baril,” ani Fajardo.

“Isa sa mga pinag-uusapan ay ang mandatoryong paggamit ng baton at whistle para sa pag-aresto ng suspek at kung kailangan pang hulihin, hindi na muna nila kailangang gumamit ng baril,” dagdag pa nito.

Magugunitang nililinis ni Baltazar ang isang bangkang pangisda sa Navotas noong Agosto 2023 nang mapagkamalan siyang suspek sa pagnanakaw sa pamamagitan ng pagtugis ng mga pulis.

Nasawi si Baltazar nang gamitin ng mga pulis ang kanilang mga baril sa pagharap sa kanya. Lumalabas na hindi siya ang suspek na tinutugis at sinabi ng pamunuan ng lokal na pulisya na ito ay isang lapse sa police operational procedures.

Ang mga nahatulan ay na-dismiss na sa serbisyo. Nirerespeto ni Fajardo ang desisyon ng korte, at sinabing ang kaso ay nagsisilbing eye opener sa lahat ng pulis tungkol sa mahigpit na pagsunod sa police operational procedures.

“Habang nangyari ito habang nagsasagawa ng tungkulin ang mga pulis, hindi sana nila ginamit ang kanilang mga baril sa unang paraan sa paghuli sa isang suspek,” ani Fajardo.

“Anumang uri ng misdemeanor maging ito ay isang light misdemeanor o grave offenses ay may kaukulang mga kasong kriminal ay dapat isampa laban sa kanila at ang mga administrative machinery ay agad na ipapatupad upang matiyak na sila ay mananagot,” dagdag niya. (Santi Celario)

Previous articleAlamin: Nat’l roads sa NCR na ‘di pwede daanan ng e-vehicles
Next article16 proyekto pinasinayaan, subsidiya sa 4K magsasaka tinaasan ng NIA