MANILA, Philippines- Pwedeng maghain ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) at sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biyahero na maiiwan ng kanilang flight dahil sa mahabang panayam ng Immigration officers, ayon sa DOJ nitong Huwebes.
Sinabi ni Justice Undersecretary Nicholas Ty na mayroong 45-second limit para sa primary inspection at limit na 15 minuto para sa secondary inspection.
“Ideally, masundan ‘yung mga time limits na ‘yun and I think BI (Bureau of Immigration) is making a point to ensure that the traveler is able to have an opportunity to depart,” pahayag niya sa media briefing.
“Pwede kayong magreklamo sa amin,” dagdag niya.
Iginiit niya na bubusisiin ng ahensya ang kaso at posibleng imbestigahan ang inirereklamong Immigration officer.
Sa mga nakalipas na buwan ay ilang video ng biyaherong naiwan ng kanilang flights kasunod ng mahabang panayam sa airport ang nag-viral.
Nitong Martes, inaprubahan ng IACAT ang revised departure guidelines para sa Filipinos na bibiyahe sa labas ng bansa upang tugunan ang “emergent trends in human trafficking” at hindi mahadlangan ang karapatan ng mga Pilipino na makapaglakbay. RNT/SA