MANILA, Philippines- Bibigyan ng kontroladong pag-access sa computers at sa internet ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang tatlong persons deprived of liberty (PDLs) na nanalo bilang mga kagawad sa katatapos na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay BJMP spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Joseph Bustinera, bibigyan ng virtual access ang tatlong nanalong PDL para magampanan naman nila ang kanilang tungkulin sa barangay.
Hindi naman aniya magiging problema ito dahil dati nang ginagawa ng BJMP ang electronic dalaw o E-dalaw at ang ‘virtual’ na pagdalo ng PDL sa court hearing.
Magugunita na ipinagbabawal ng law enforcement agencies ang paggamit ng mga preso ng mga cellphone at iba pang uri ng electronic messaging devices para matigil ang ilegal na aktibidad ng mga ito.
Sinabi ni Bustinera na kumonsulta na sila sa kanilang legal office kaugnay sa pagkapanalo ng tatlong PDL.
Ayon sa kanilang legal office, susundin na lamang ang naging desisyon noon ng Supreme Court sa mga dating senador na nakulong at nagampanan ang kanilang tungkulin.
Samantala, iginiit ni Bustinera na hindi bibigyan ng espesyal na pagtrato ang tatlong nanalong PDL.
Kung kinakailangan aniya na lumabas sa kulungan ang mga ito para dumalo sa isang mahalagang function, kailangan pa ring dumaan sa proseso sa pamamagitan ng court order.
Magugunita na tumakbo at nanalo bilang mga kagawad ang detainee sa Tanay Municipal Jail, Dasmariñas City Jail-Male Dormitory at Cagayan de Oro City Jail-Male Dormitory.
Ang tatlong PDL ay nakakulong dahil sa kasong droga.
Pinayagan ng Commission on Elections ang mga PDL na tumakbo sa eleksyon hanggat wala pang mga pinal na hatol mula sa kinakaharap na kaso. Teresa Tavares