Home NATIONWIDE Mga Pinoy na nakakapangisda sa Scarborough Shoal mas dumami na

Mga Pinoy na nakakapangisda sa Scarborough Shoal mas dumami na

MANILA, Philippines – TINATAYANG 44 bangkang pangisda ng mga Filipino sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal ang kamakailan lamang ay nabigyan ng fuel assistance ng mga awtoridad.

Ipinapakita lamang nito na mas maraming Filipino ang nakapangingisda ngayon sa pinagtatalunang Shoal, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Sa isang panayam kay BFAR Spokesperson Nazario Briguera sinabi nito na may 44,900 litro ng diesel, 217 litro ng drinking water, at 20 gallon ng fresh water ang ibinigay sa mga Filipinong mangingisda sa isinagawang bagong rotational deployment ng BFAR at Philippine Coast Guard (PCG) ships sa shoal.

“Ang maganda nito, kumpara sa nakaraan nating misyon, mas nadagdagan ang mga Filipino fishing boats na nabigyan ng ayuda. From 21 nung nakaraan, ngayon ay nasa 44,” ayon kay Briguera.

“Magandang senyales ito na ibig sabihin nadagdagan ang mga mangingisda natin na nangingisda doon sa Bajo de Masinloc,” dagdag na wika nito.

Sinabi pa ni Briguera na nakahuli ang mga mangingisdang Filipino ng 40 tonelada ng isda sa Bajo de Masinloc, na itinuturing na “good news.”

Sa panibagong pagtatangka na harangan ang Philippine vessel para makarating sa Bajo de Masinloc, nag-deploy ang China Coast Guard (CCG), araw ng Huwebes ng bagong floating barrier sa lugar para mapigilan na makadaan ang BFAR vessel BRP Datu Sanday.

Ang Datu Sanday ay may dalang diesel at tulong para sa mga mangingisdang Filipino.

Tinatayang may 7 Chinese vessels ang humarang sa daraanan ng BRP Datu Sanday patungong Bajo de Masinloc, subalit nagawa naman ng BRP Datu Sanday na makalusot makaraan ang dalawang oras at tumuloy sa Shoal para mamahagi ng tulong sa mga bangka para sa pangngisda.

“Nakumpleto na po ‘yung mission. Nakabalik na sila sa ating mainland. Naging matagumpay sa kabila ng hinarap ulit na mga hamon,” ayon kay Briguera. Kris Jose

Previous articleOil spill sa MT Princess Empress nagdulot ng P40B environmental damage – grupo
Next articleCat at Sam, hiwalay na?