MANILA, Philippines – Wala pang Filipino sa Morocco ang nagpaabot ng interes na bumalik sa Pilipinas kasunod ng malakas na lindol na tumama sa nasabing bansa.
“So far, wala po sa kababayan natin ang humihingi ng repatriation. Kung meron man nakahanda ang ating gobyerno na tulungan silang makauwi,” sinabi ni Department of Foreign Affairs Assistant Secretary Paul Cortez sa televised public briefing nitong Lunes, Setyembre 11.
Kasabay nito, inulit ni Cortez na walang Filipino ang nasaktan o nasawi sa magnitude 6.8 na lindol na tumama sa Morocco noong nakaraang linggo.
“There are 4,600 mga kababayans po natin na nakatira doon sa Morocco ngunit doon sa lugar kung saan may lindol, sa Marrakesh, mga 50 thereabouts po lamang and good for us, luckily, medyo wala naman pong kababayan natin ang naiulat na nasalanta o kaya’y nasaktan o kaya’y naging casualty ng lindol na ito,” aniya.
Sa kabila nito, inaabisuhan pa rin ni Cortez ang lahat ng mga Filipino na nangangailangan ng tulong na kontakin ang Philippine Embassy sa Rabat sa numerong +212660764577.
Sa huling tala ay mahigit 2,000 na ang bilang ng mga nasawi sa lindol, karamihan ay mula sa Al-Haouz na epicenter nito. RNT/JGC