CEBU- Mahigpit na ipinagbabawal sa Cebu City ang pagpasok ng lahat ng uri ng karne ng baboy mula sa lalawigan ng Bohol matapos magkaroon ng mga kaso ng African swine fever.
Nakasaad sa executive order na ipinalabas ni Gobernador Gwen Garcia, na nag-uutos na sa loob ng 60-araw ay ipagbabawal saang pagpasok ng mga buhay na baboy, inahing baboy, mga biik at baboy-ramo, mga livestock transport truck at mga reefer van mula Bohol.
Sinabi ni Garcia na ang nasabing kautusan ay para protektahan ang industriya ng baboy ng Cebu.
Ipinag-utos ni Garcia sa Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Cebu Port Authority, Mactan Cebu International Airport Authority, at mga LGU sa loob ng territorial jurisdiction ng Lalawigan ng Cebu na mahigpit na subaybayan ang pagpapatupad ng bagong Executive Order.
Samantala, sinabi naman ni Stella Lapiz ng Bohol provincial veterinarian na siyam na sa kabahayan na may mga swine farm, pinatay na ang mga baboy at inilibing para hindi na kumalat pa ang virus sa bayan ng Pilar kung saan binayaran na rin ng lokal na pamahalaan ang mga may-ari ng baboy.
Kumuha na rin sila ng mga sample sa lugar ng apektado at negatibo na rin sa anumang virus ang lumabas na resulta pero mahigpit pa rin nilang ipinagbabawal ang pagpasok at paglabas ng mga baboy at iba pang produkto sa bayan ng Pilar. Mary Anne Sapico