MANILA, Philippines- Ipagpapatuloy ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga programa at tiniyak na makakamit ang bisyon para sa ahensya na pinangunahan ni yumaong secretary Susan “Toots” Ople, sinabi ni Undersecretary Hans Leo Cacdac nitong Sabado.
Sinabi ni Cacdac na siyang officer-in-charge ng DMW na nais ni Ople na madama ng overseas Filipino worker (OFW) na tahanan nito ang DMW.
“Malaking gap… big shoes to fill ang kanyang iniwan,” pahayag ni Cacdac sa panayam.
“Kami ay mayroon nang direksyon na pangangatawanan at pagtitibayin pa namin,” dagdag niya.
Una aniya nilang gagawin ay isusulong ang panukalang P15-bilyong badyet ng DMW.
Ilalatag nila ito sa Senado sa susunod na linggo.
Plano rin niyang palakasin ang P1.2-bilyong action fund para sa legal na tulong sa mga OFW.
Ayon kay Cacdac, ang huling public statement ni Ople ay makapag-file, makahanap at makakamit ang hustisya para sa OFWs na ang karapatan ay naabuso.
Si Ople, na pumanaw noong Agosto, ay nais din na magkaroon ng pondo para sa migrant workers na may cancer at para magpatuloy ang digitalization sa loob ng ahensya.
Noong Hulyo, inilunsad ng DMW ang isang app para sa OFW na naglalayong i-streamline ang pagproseso ng mga dokumento sa paggawa at sa ibang bansa.
Sa usapin naman ng unpaid wages ng OFWs sa Saudi, sinabi ni Cacdac na bumuo na ang Saudi government ng technical committee na magpapatupad sa kautusan ni Saudi King Salman kaugnay dito.
Sinabi ng DMW na hindi bababa sa 10,000 OFWs na nagtrabaho sa siyam na kompanya ng Saudi na nagdeklara ng pagkabangkarote kasunod ng krisis sa ekonomiya noong 2015 ay makatatanggap ng “buong bayad” ng kanilang nakabinbing sahod.
Sa ngayon, sinabi ni Cacdac na tiniyak sa kanila ng gobyerno ng Saudi na may pondo at resources para sa payout.
Gayunman, nagpapatuloy pa ang proseso at hindi pa nagbibigay ang Saudi government ng eksaktong panahon o timeline kung kailan ire-release ang pondo.
“Medyo hamon dito ang pag-determina kung sino ang mga claimants at proseso ng pamamahagi in coordination with the Philippine side,” ani Cacdac.
Maalala na sinabi ni Ople na maglalaan ang Saudi government ng 2 bilyong Riyals upang tulungan ang displaced workers.
Nabanggit ng yumaong kalihim na saklaw ng pondo ang mga manggagawa mula sa Saudi OGer, MMG, ang Bin Laden group, at iba pang construction companies na nagdeklara ng bankruptcy noong 2015 at 2016. Jocelyn Tabangcura-Domenden