MANILA, Philippines – Sisikapin ng bagong itinalagang Migrant Workers officer-in-charge na si Hans Leo Cacdac na palakasin ang mga serbisyo at programa ng departamento para sa mga overseas Filipino workers (OFW) na sinimulan ni yumaong Kalihim Susan “Toots” Ople.
Ayon kay Cacdac, kabilang rito ang paghahain ng legal na kaso para sa mga OFWs na inabuso at biktima ng contract violations.
Gaya ng unang plano ni Ople, tututukan din ng departamento ang pagbibigay ng tulong sa mga migranteng manggagawa na mga pasyente ng cancer, ayon pa kay Cacdac.
Ang DMW ay may available na action fund para rito, na ginagamit din sa pagbabayad ng hospital bills ng mga OFW na walang insurance coverage, sabi ni Cacdac.
Sisiguraduhin din aniya ng DMW na maipatupad ang partnership na nilagdaan ni Ople sa iba pang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor para sa mga programang reintegration para sa mga OFW. Jocelyn Tabangcura-Domenden