MANILA, Philippines- Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na sasampahan ng kasong kriminal at administratibo ang police officers na kasama sa video ng operasyon sa Maynila noong nakaraang taon kung saan P6.7 bilyong halaga ng shabu ang nasamsam.
“In 10 days malalaman ninyo kung ilang mga pulis na kasama sa video ang fifile-an natin ng kaso,” ani Abalos.
Sinabi ni Abalos na lumikha siya ng isang task force na pangungunahan ni National Police Commission (NAPOLCOM) vice chairperson Alberto Bernardo para sa kasong ito.
Si Abalos ang chairperson ng NAPOLCOM.
Matatandaang sinibak sa hanay ng Philippine National Police si Police Staff Sgt. Rodolfo Mayo Jr., matapos masamsam ng mga awtoridad ang nasa 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa loob ng isang lending firm sa Maynila na pag-aari nito.
Ayon kay PNP Spokesperson P/Col. Jean fajardo, tinanggal si Mayo sa serbisyo matapos aprubahan ni PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr. ang rekomendasyon ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) na alisin ang tiwaling pulis matapos mapatunayang guilty sa kasong Grave Misconduct at Unbecoming of an officer.
Dahil dito, hindi na maaaring maluklok sa anumang posisyon sa gobyerno si Mayo at wala nang makukuhang benepisyo mula sa pamahalaan.
Oktubre 8 noong nakaraang taon nang idawit nang isang nahuling drug suspect si Mayo na umano’y sangkot sa drug recycling at nagtatago ng mga iligal na droga sa opisina nito sa Sta.Cruz Maynila.
Matatandaang ginawaran pa ng “Meritorious Heroic Acts” ni former PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao Jr. si Mayo matapos ang matagumpay na isinagawang buy-bust operation nito sa Valenzuela noon ring nakaraang taon. Kris Jose