Home NATIONWIDE Mga pulis na kasama sa pagsisilbi ng arrest warrant kay Quiboloy dinepensahan...

Mga pulis na kasama sa pagsisilbi ng arrest warrant kay Quiboloy dinepensahan ni Marbil

MANILA, Philippine- Dinepensahan ni Police General Rommel Francisco Marbil, hepe ng Philippine National Police (PNP), nitong Biyernes ang mga pulis na kasama sa pagsalakay kamakailan sa private properties ng kontrobersyal na Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader na si Pastor Apollo Quiboloy sa Davao City.

Sinabi ni Marbil ginawa lamang ng raiding teams na binubuo ng mahigit 100 tauhan mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Special Action Force (SAF), at police regional units sa Northern Mindanao (Region 10), Soccsksargen (Region 12), at Caraga (Region 13) ang kanilang trabaho sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Quiboloy at lima pa noong Hunyo 10. 

Iginiit ni Marbil na naging pugante na si Quiboloy matapos makailag sa arrest warrants para sa human trafficking at child abuse na inisyu ng mga korte sa Pasig City at Davao City.

“Ang hinuhuli natin is a fugitive of the law. I just want to make it clear, hindi po mga ordinaryong tao ito. Anim po silang hinahanap natin, ang kaso nila is child exploitation, illegal human trafficking and these are no bail [charges],” ani Marbil sa isang panayam.

“Hindi naman ho kami natatakot because this is a legal order. Hindi naman po illegal ang ginagawa namin. Ito naman ginagawa namin sa mga taong fugitive of the law, ‘yan po ang ineexpect ng mga tao sa amin,” giit niya.

Matatandaang sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, malapit na kaibigan ni Quiboloy at itinalagang caretaker ng properties ng KOJC, na ikinokonsidera niyang magkasa ng legal na aksyon laban sa mga pulis na kasama sa raid dahil sa umano’y paggamit ng excessive force.

“Hindi po marahas ang mga pulis, mas maraming nasaktan na mga pulis but we have to make it quiet. Talagang ganoon ‘yun ‘pag nagpapaimplement ng batas. Maximum tolerance natin,” pahayag ni Marbil.

“’Yung binabasa ng mga tao ‘yung mga pulis, that’s disrespect and we can file sa mga taong ayaw kaming papasukin kaya lang hindi natin ginawa ‘yon,” patuloy ng opisyal.

Samantala, magpapatuloy ang pagtugis ng PNP kay Quiboloy.

“Tuluy-tuloy po ‘yan and we will not stop na hindi siya makuha. Trabaho ng pulis ‘yan,” sabi ni Marbil. RNT/SA