Home NATIONWIDE Mga residente ng Las Piñas bumoto ng ‘yes’ sa plebisito sa paglalatag...

Mga residente ng Las Piñas bumoto ng ‘yes’ sa plebisito sa paglalatag ng barangay boundaries

MANILA, Philippines – Bumoto pabor sa isang ordinansa na nagtatakda ng mga boundaries ng teritoryo ng 20 barangay ang mahigit 41,000 residente o 67 porsiyento ng Las Pinas City.

Batay sa certificate of canvass of votes na ibinahagi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia sa mga miyembro ng media, 41,493 residente ang bumoto ng “yes” habang 19,498 ang bumoto ng “no” nang tanungin kung sang-ayon sila sa paghati ng territorial boundaries ng 20 mga barangay.

Sa pamamagitan nito, ang ordinansa ay naiproklama na niratipikahan at naaprubahan.

Sinabi ni Garcia na nanalo ang ‘yes’ kaya epektibo na ang ordinansa tungkol sa pagliliwanag ng paghahati ng bawat barangay sa 20 barangays sa Las Piñas.

Gayunman, ikinalungkot niya ang mababang voter turnout na nasa 20% lang.

Ang Las Piñas City ay may kabuuang 308,059 na rehistradong botante, ngunit 61,237 botante lamang ang aktwal na bumoto sa plebisito.

Ang Ordinance No. 1941-23 Series of 2023 ay naglalarawan sa mga hangganan ng teritoryo ng 20 barangay sa lungsod alinsunod sa cadastral survey ng Department of Environment and Natural Resources na natapos noong Marso 2015. Jocelyn Tabangcura-Domenden