MANILA, Philippines – Umabot na sa halos 20,000 ang mga residenteng inilikas dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa anunsyo ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesman Bernardo Alejandro IV nitong Biyernes, nasa 18,584 residente na ang tumutuloy sa 27 evacuation centers sa probinsya habang ang iba naman ay tumutuloy sa kanilang mga kamag-anak.
Sinabi rin ni Alejandro na 26 na barangay na ang direktang naaapektuhan ng aktibidad ng Mayon.
“Sa utos na rin ng Pangulo, we are trying to or we are doing our planning based on a 90-day scenario na talagang tuloy-tuloy ang pagsuporta natin sa lalawigan ng Albay,” pagbabahagi niya.
“So far ang ina-address lang po natin ay ‘yung adequacy ng mga evacuation centers. ‘Yung challenges natin… ‘yung pag-provide ng tubig, malinis na facilities, at ‘yung iba pa pong related na pangangailangan doon sa mga evacuation centers,” dagdag pa nito.
Bago rito, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na naitala ang apat na volcanic earthquakes at 307 rockfall events sa nakalipas na 24 na oras sa Bulkang Mayon.
Kasalukuyang nasa Alert Level 3 ang babala sa bulkan. RNT/JGC