Home NATIONWIDE Mga sari-sari store na apektado ng rice price cap tutulungan ng DSWD

Mga sari-sari store na apektado ng rice price cap tutulungan ng DSWD

Photo from DSWD FB Page

MANILA, Philippines – Mamimigay din ng financial assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong linggo sa mga may-ari ng sari-sari store na apektado ng implementasyon ng mandated price cap sa bigas.

Sa pahayag nitong Linggo, Setyembre 24, sinabi ng Presidential Communications Office na batay sa report ng DSWD, sa Office of the President, nakatakda itong mamahagi ng cash assistance sa sari-sari store owners mula Setyembre 25 hanggang 20.

Nakikipag-ugnayan na ang DSWD sa Department of Trade and Industry para tukuyin ang mga benepisyaryo.

Noong nakaraang linggo, inanunsyo ng DSWD na ang mga sari-sari store na nasa labas ng mga palengke na nagbebenta ng bigas ay kabilang din sa makatatanggap ng P5,000 sustainable livelihood program (SLP) subsidy.

Sa kabilang banda, nakatanggap naman ng P15,000 SLP cash assistance ang rice retailers na nasa mga pamilihan, at iba pang lugar na accessible sa publiko.

Nauna nang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mandated P41 price ceiling sa regular milled rice at P45 price cap sa well-milled rice sa ilalim ng Executive Order No. 39.

Batay sa pinakahuling report, nakapaglabas na ang DSWD ng P92.415 million halaga ng financial assistance sa 6,161 ng 8,390 target micro at small rice retailers na apektado ng price cap. RNT/JGC

Previous articleKalaguyo patay sa mister ni misis
Next articleTraffic enforcer huli sa buy bust operation