Home NATIONWIDE Mga senador hinamon ni Salceda: ‘No’ vote sa people’s initiative ikampanya

Mga senador hinamon ni Salceda: ‘No’ vote sa people’s initiative ikampanya

MANILA, Philippines – Pinatutsadahan ni Albay Rep Joey Salceda ang mga senador na ikampanya ang “No” vote sa isinusulong na People’s Initiative(PI) kasunod ng ipinalabas nitong manifesto na tumututol sa pagdaraos nito.

Ayon kay Salceda, magagaling naman ang mga senador at palagian na gustong sila ang pinakikinggan kaya sa oras na magbotohan sa PI ay ikampanya ang ‘No’ votes.

Nakapaloob sa PI na payagan ang Kongreso na bumoto nang magkasama sa gagawing Charter Change, magkakaroon ng Yes or No votes sa gagawing plebesito sa June 2024.

“Bakit kayo takot sa tao? Eh ang gagaling naman ninyo. ‘Di ba 24 kayo? Nagkaisa kayo eh ‘di makukumbinsi niyo ‘yung tao magboto ng ‘no’ to PI” pahayag ni Salceda.

Tiwala si Salceda na masusulong ang PI na nakakakuha na ng 12% requirement para sa signature campaign, ang kasunud na hakbang ay pagsasampa ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) para beripikahin ang mga lagda at pagdaraos na ng plebesito.

Bagamat pabor ang mga senador sa Charter Change ay partikular nitong tinututulan ang “joint voting” ng Kamara at Senado.

Para kay Salceda ang PI ang syang tunay na boses ng taumbayan sa isyu ng Cha-Cha na dapat pakinggan ng mga senador at mga kongresista.

“Hindi naman lagi na lang kayong nakikinig sa mga senador. Lagi na lang kayong nakikinig sa mga congressman. Bakit hindi natin pabayaan ang tao? Kaya nga nilagay ‘yan sa 1987 Constitution, ang PI. Para saan pa ‘yun?,” ani Salceda.

“Once and for all, why won’t we listen to the people? Let them speak,” pagtatapos pa ni Salceda. Gail Mendoza

Previous articleMovie ni Janno, super flop; GG ni Donny, laglag sa takilya!
Next articleP600K shabu nasabat sa buy bust sa Cavite