Home NATIONWIDE Mga senador nais ng security of tenure sa mga barangay health worker

Mga senador nais ng security of tenure sa mga barangay health worker

MANILA, Philippines – Isinusulong ng mga senador ang pagbibigay ng security of tenure sa mga barangay health worker.

Ito ay kasabay ng pagbibigay ng nararapat na mga allowance at benepisyo sa mga ito.

Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1682 o ang “Barangay Health Workers and Services Reform Act of 2023” na inihain ni Senador Raffy Tulfo, dapat na maging responsable ang local health board ng Department of Health sa pagsuri ng performance ng mga BHW, at hindi ang opisyal ng gobyerno.

“Tuwing may bagong chairman or mayor, nade-delikado ang trabaho ng isang barangay health worker. Maraming instances na sila ay napu-pulitika,” ayon kay Tulfo kasabay ng Senate hearing ng Health and Demography Subcommittee sa Magna Carta of Barangay Health Workers.

“‘Pag bagong chairman bagong pasok o bagong mayor, pwede silang paalisin anytime. If gusto ni chairman na palitan ang magandang performance ng isang BHW, gagawin niya lang rason na ayaw na niya kasi meron siyang ipapasok na bata niya,” dagdag pa niya.

Mismong si National Confederation of Barangay Health Workers of the Philippines President Zenaida Pulido ang tumestigo na ilang kapitan ng barangay ang nagtatanggal ng matatandang BHW, bago o pagkatapos ng eleksyon, na hindi man lang nagbibigay ng retirement benefits sa mga ito.

“Pinaglaban ko, nagsumbong ako sa DILG… Binalik naman,” ani Pulido.

Sinabi naman ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta na kailangang siguruhin na ang mga BHW ay magpapatuloy sa kanilang trabaho nang hindi hinaharass ng barangay chairman, kapitan o sinumang politiko.

“‘Yung problema na natatanggal kapag nagpapalit ng administrasyon ang barangay, makakatulong ang PAO lawyers natin para bigyan sila ng due process at pagtatanggol para ma-retain sila sa trabaho,” aniya.

Iginiit naman ni Senator JV Ejercito na ang mga BHW ay “overworked but underpaid” sa kabila na sila ay itinuturing na frontliners sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

“Aside from the health issues o health concerns, minsan napapakiusapan pa ng mga LGUs—hindi minsan, baka madalas pa—sa mga programa na hindi konektado sa health. ‘Yan ang realidad,” pahayag ni Ejercito.

Noong Enero, isinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpasa sa Magna Carta for barangay health workers bilang pagkilala sa serbisyo ng mga ito sa komunidad. RNT/JGC

Previous articlePastor sa Koronadal itinumba
Next article977 bagong kaso ng COVID naitala mula Hulyo 31 ‘gang Agosto 6