MANILA, Philippines – MAY mga suspek na ang pulisya sa umano’y may kagagawan sa pamamaril at paghahagis ng granada sa tanggapan ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) nitong Sabado ng madaling araw, Mayo 20 sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan Police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nakuhanan na nila ng sinumpaang pahayag ang mga testigo habang patuloy pa rin nilang tinitipon ang iba pang mga ebidensiya upang maging malakas ang kasong isasampa nila laban sa mga suspek.
Hindi na muna pinangalanan ng pulisya ang mga suspek dahil patuloy pa rin nilang ginagawa ang backtracking at pagsusuri sa kuha ng mga nakakabit na close circuit television (CCTV) camera sa lugar at maging sa mga lansangang dinaanan ng mga ito para matiyak na wala silang lusot sa batas.
Naniniwala ang hepe ng Caloocan Police na may koneksiyon sa mga malalaking huli ng naturang tanggapan ang ginawang pamamaril at paghahagis ng granada ng mga suspek na aniya ay ganti na rin ng mga ito sa kanilang agresibong operasyon laban sa sindikato ng ilegal na droga na nagresulta upang maapektuhan ng husto ang kanilang masamang gawain.
Magugunita na noong Sabado ng madaling araw, ginulantang ng sunod-sunod na putok ng baril na sinundan ng paghahagis ng granada ang harapan ng tanggapan ng DDEU dakong ala-1:45 ng madaling araw.
Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang insidente bagama’t tumagos ang mga bala sa loob ng tanggapan ng DDEU na dahilan ng pagkasira ng hagdanan at pagkakaroon din ng tama ng bala at metallic fragment ng granada ang dalawang nakaparadang sasakyan sa harapan ng naturang tanggapan. R.A Marquez