Home HOME BANNER STORY Mga tsuper, operator maaaring bumuo ng sariling kooperatiba

Mga tsuper, operator maaaring bumuo ng sariling kooperatiba

MANILA, Philippines- Hindi sisitahin ng Department of Transportation (DOTr) ang mga jeep kasunod ng 3-month extension na ibinigay ng pamahalaan para sa unconsolidated drivers at operators.

Ayon sa ulat nitong Huwebes, sapilitang makikibahagi ang unconsolidated drivers o operators sa existing cooperatives at maaaring bumuo ng sarili nilang kooperatiba.

Ikinatuwa ng ilang driver ang opsyon at sinabing sisilipin nila ang posibilidad na bumili ng locally manufactured modern jeepneys na nagkakahalaga hanggang P750,000, na mas mura kumpara sa P2 million imported units.

Subalit, nababahala pa rin sila na hindi maging sapat ang 3-month extension upang makabili ng eplacement unit sa kabila ng P200,000 subsidy mula sa pamahalaan. Sinabi ng DOTr na bibigyan ang consolidated drivers ng dalawang taon upang palitan ang kanilang mga unit.

“Kami na rin, hindi na namin ibibigay itong aming ruta. Kami-kami na lang ang bubuo [ng kooperatiba] kung kinakailangan,” anang isang tsuper.

“[Mas] kaya naming hulugan yun kesa dun sa P2.8 [million] na masyadong rich [dahil] pang mayaman po yun. ‘Yun [isang unit], pang-masa po yun,” dagdag niya.

Samantala, ikinagalak ng transport group PISTON ang extension subalit sinabing mas magiging epektibo ang pagsuspinde sa programa para sa mas masusing pag-aaral.

Hiniling din nila sa ahensya na payagan ang single operators at huwag kumpikahin ang mga umiiral na prangkisa.

“Hindi katulad nang sa ngayon, ‘yung pong inilalako na kooperatiba ng DOTr at ng LTFRB, ito ‘yung sinasabi natin pagmomonopolyo sa usapin ng serbisyo sa ating mga mamamayan,” ani PISTON president Mody Floranda.

Iginiit ng DOTR na tuloy ang PUV modernization at ang 3-month extension ang huling deadline ng pamahalaan. RNT/SA

Previous article‘Iregularidad’ sa aid payout sa Mindanao tatalupan ng DSWD
Next articleRomualdez: RBH 6 suportado ng Kamara