Home OPINION MGA USAPING BYAHE

MGA USAPING BYAHE

SUNOD-SUNOD ang mga nakikita kong alok na mga naka-promo at murang  airline tickets para bumyahe sa buong bansa.  Minsan kahit nga international flights, naka-“sale” na rin. Hulog ng langit ang  “seat sales” ng  iba’t-ibang airlines sa mga byaherong mahilig maglagalag at mag-relax sa mga beach, bundok at probinsya para makaranas ng bago o kaya ay balikan ang mga lugar na nagpasaya sa kanila. Sabi nga nila, sana ol.

Kung marunong kang mag-plano ng bakasyon mo at matyaga kang hintayin ang mga oras ng bentahan, panigurado makaka-jackpot ka sa mga murang ticket.   Ang mahalaga rito ay ang mga katagang dunong at tyaga.

Sa dunong, dapat alam mo kung kelan ka bibyahe.   Ang mga petsa kung saan walang pasok dahil mga holiday o merong long-weekends.  O kaya naman ay naka-ikot ang mga petsa sa mga importanteng ganap sa inyong pamilya na okay lang sa iyo na gamitin ang mga ‘leave’ mo sa opisina.

Dapat, alam mo rin kung kelan inilalabas ng mga airline ang kanilang seat sales.   Madali lang naman ito kung miyembro ka ng mga club nila o kaya ay may frequent flier card, kasi malamang automatic na pinapadalhan ka nila ng e-mail sa mga anunsyong ito.   Kung babad ka rin sa social media, malamang lalabas sa feed o mga recommended na ads ang mga ito.

‘Yung tyaga naman ay nakasalalay sa kasanayan mong gumamit ng online booking.   Ito na ang pinakamadali at pinakamabilis na makuha mo ang seat sales.  Hindi na uubra ngayon ang tatawag ka sa travel agency, kundi ikaw na mismo ang magbo-book ng flight ticket.  Kadalasan kasi, sobrang bilis maubos ang  seat sales na ito, kaya dapat kapag nagsimula ang online na seat sale, sa unang oras pa lang, mag-book ka na.   Karaniwang alas-dose ng hatinggabi ang simula, kaya tityagain mo talaga.

Sunod na yugto ng tyaga ay tungkol sa maraming limitasyon ang seat sales na ito.  Limitado ang bagahe, walang pagkain at inumin sa loob ng eroplano, meron ka pa rin babayaran na mga taxes, fees at surcharges.  At madalas, gabing-gabi o madaling-araw ang flights na pagpipilian mo.

Sa katapusan, depende na rin sa pasahero kung “worth it” ba na kunin ang seat sales na ito.   Pero salamat na rin sa  airlines na naisip ito, kasi marami sa millennials at GenZ na tingin nila ay kasama na sa adventure ng byahe ang pag-agawan sa mga ticket na ganito.

Tara, byahe na tayo.

Previous articleMAGING MAINGAT, MAPANURI SA PRODUKTONG BINIBILI
Next articlePM NETANYAHU BERDUGO NG PALESTINE?