MANILA, Philippines – Target ng economic managers ng administrasyong Marcos na maisabatas ang Maharlika Investment Fund (MIF) bill bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo, ayon kay chief economic manager at Finance Secretary Benjamin Diokno nitong Martes, Mayo 16.
Sa pahayag, sinabi ni Diokno na nais ng economic team na maaprubahan na ang Senate Bill No. 2020 na nagtatatag sa MIF sa ikatlong pagbasa bago magtapos ang sesyon sa Hunyo 2, 2023.
“The Maharlika Investment Fund bill is making significant progress in the Senate, and we hope to see it signed into law before the President’s second State of the Nation Address on July 24,” ani Diokno.
Ang Senate Bill No. 2020 ay nakaabot na sa Senate floor noong Marso 20.
Nitong Lunes, Mayo 15, dumalo si Diokno kasama sina Budget Secretary Amenah Pangandaman at National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan sa Senate plenary session upang ipakita ang kanilang buong suporta kasabay ng serye ng debate sa MIF.
Ipinaliwanag naman ni Senador Mark Villar, sponsor ng panukala, na makapagbibigay ng mas mataas na kita sa gobyerno ang MIF.
Advertisement