Home OPINION MINASAMANG PAGBATI NI PBBM

MINASAMANG PAGBATI NI PBBM

BAHAGI na sa ugali at kultura ng mga Pinoy ang magpaabot ng pagbati sa mga taong nakakamit ang tagumpay saan mang larangan, mapa-pampalakasan, tagisan ng talino, at maging sa pulitika.

Kaya natural lang na maging ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay may ganitong pag-uugali nang magpaabot siya ng pagbati sa pagwawagi sa halalang pampanguluhan ng Taiwan na si Lai Ching-te.

Pero hindi nagustuhan ng China ang pagbati ng Pangulong BBM sa bagong pangulo at inakusahan pa ang ating Presidente nang paglabag sa One-China Policy at panghihimasok daw sa usaping panloob sa pagitan nila ng Taiwan. Mariin nga nilang kinondena ang pagbati ni PBBM sa bagong halal na pangulo dahil hanggang sa kasalukuyan ay itinuturing nilang teritoryo nila ang Taiwan kaya sa tingin nila, parang pinapatunayan lang natin na lehitimo ang gobyerno ng sakop nilang teritoryo.

Sinabon pa nga ng China ang ambassador natin sa naturang bansa at ipinaabot pa ang pagbabanta kay PBBM na huwag daw maglaro ng apoy. Eh teka muna, bakit ba galaiting-galaiti ang China sa simpleng pagbati lamang ng ating Pangulong BBM sa bagong halal na pangulo ng Taiwan gayong malinaw naman ang pahayag ng ating Kagawaran ng Ugnayang Panlabas na isa lamang pagkilala sa parehong interes ng Pilipinas sa Taiwan, kabilang dito ang may 2 milyong OFWs na nagtatrabaho sa naturang isla.

Tsaka isa pa, kung kinikilala ng China ang Taiwan bilang isa sa kanilang probinsya at sakop ng kanilang teritoryo, eh bakit ayaw nilang kilalanin ang inilabas na desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS kaugnay sa isyu ng pag-angkin nila sa teritoryo ng ating bansa sa West Philippine Sea?

Kung tutuusin, hindi na nila dapat pinapakialaman kung magpaabot man ng kanyang pagbati ang ating Pangulo sa sinomang nagkakamit ng tagumpay dahil karapatan niya ‘yun at isa ‘yun sa magandang pag-uugali ng mga Pinoy. Bumilib nga ako sa naging pahayag ni Senator Risa Hontiveros na kabilang sa minorya ng Senado nang sabihing walang karapatan ang China na diktahan ng mga Pinoy kung ano ang gustong sabihin, gaya raw ng walang karapatan ang naturang bansa na maglayag at angkinin ang WPS.

Gusto nga ng senador na busisiin at rebisahing muli ang One China Policy dahil kung susumahin, napakaraming ginawang kabalbalan sa ating teritoryo ng China kung ikukumpara sa simpleng pagpapa-abot ng pagbati ng ating Pangulo sa bagong halal na presidente ng Taiwan.

Sana, mali ang aking kutob na baka gumagawa lang ng galit ang China, para pangatuwiranan ang napakarami nilang kamaliang ginagawa sa mga Pinoy na dahilan para sila batikusin ng halos lahat ng bansa na nakasubaybay sa patuloy nilang pambu-bully sa mga Pinoy sa WPS.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.

Previous articleAmihan magpapaulan sa ilang bahagi ng North, Central Luzon
Next articlePRO3 GINAWARAN NG ISO CERTIFICATE