Home METRO Mindanao Railway Project umarangkada na kahit hinahanapan pa ng pondo

Mindanao Railway Project umarangkada na kahit hinahanapan pa ng pondo

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) ang pagsisimula ng pre-construction activities para sa Mindanao Railway Project (MRP) sa Davao City, Digos, at Tagum sa kabila ng patuloy na paghahanap para sa mga mapagkukunan ng pagpopondo ng proyekto.

Sa isang pahayag noong Martes, sinabi ng DOTr na nakipag-ugnayan na sila sa Finance Department para sa mga alternatibong pagkukunan ng pondo.

Sisimulan ng DOTr ang Phase 1 ng MRP na may habang 100.2 kilometro na may mahigit walong istasyon at may estimated project cost na P81.6 bilyon.

“We decided to pursue Phase 1 of the MRP despite the withdrawal of the prior funding commitment from the government of China,” sabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista.

Noong Setyembre 22, 2023, nagpadala ng liham si noo’y Finance Secretary Benjamin Diokno kay Chinese Ambassador Huang Xilian na nagpapaalam sa kanya na hindi na ituloy ng bansa ang loan financing para sa MRP mula sa China.

Kinumpirma ito ni Bautista sa German-Philippine Chambers of Commerce and Industry forum noong Oktubre 2023, na nagsasaad na ibinasura ng ahensya ang Chinese official development assistance (ODA) bilang pinagkukunan ng pondo para sa MRP at dalawang iba pang proyekto sa riles dahil ang negosasyon ay “walang pag-usad.”

“Wala na… We’re now talking to other possible ODA partners,” sabi ni Bautista.

Nilalayon na ngayon ng ahensya ang ODA mula sa ibang mga bansa, gayundin ang mga internasyonal na institusyong pinansyal, bilang posibleng bagong mapagkukunan ng pondo para sa mga proyekto. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleLibreng sakay sa LRT2, MRT3 gumulong
Next articlePrangkisa ng Palawan electric coop pinarerebyu