MANILA, Philippines – Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Miyerkules, Hulyo 12, na kumakalap na sila ng impormasyon sa minimum water requirements ng mga establisyimento para sa proposed water regulation bilang paghahanda sa epekto ng El Nino.
Ayon kay MMDA chairperson Romando Artes, ang regulasyon sa paggamit ng tubig ng ilang establisyimento lalo na ang mga kumukonsumo ng maraming tubig ang isa sa rekomendasyon ng mga concerned agencies.
“Inaalam po kung ano ‘yung minimum requirements nila para hindi rin ma-disrupt ‘yung kanilang hanapbuhay o negosyo kasi mahirap din naman po na bigla mong i-cut ‘yung kanilang tubig,” ani Artes sa press conference.
Matatandaan na nitong Hulyo 4, idineklara na ng PAGASA ang pagsisimula ng El Nino phenomenon sa Tropical Pacific at inaasahan ang epekto nito sa bansa.
Ani Artes, magkikita-kita sa Biyernes, Hulyo 14 ang Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) upang isapinal ang inisyal na rekomendasyon kontra sa matinding epekto ng El Nino.
Ang mga rekomendasyong ito ay ipapasa sa Metro Manila Council (MMC) para pag-usapan naman sa susunod na linggo. RNT/JGC