CAMARINES SUR- PATAY ang isang misis matapos manlaban sa kapitbahay nitong manyakis sa tangkang panggagahasa, iniulat kahapon sa bayan ng Bula.
Kinilala ang biktimang si Rosie Bolival, 33 anyos habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Alex Paelma, 42, at kapwa residente sa Zone 2, Barangay La Purisima, ng naturang bayan.
Batay sa report ng Bula Municipal Police Station, bandang 6:00 AM bigla na lamang pumasok ang suspek sa bahay ng biktima na armado ng patalim.
Dito, bigla na lamang niyang pinaghahawakan sa maselang bahagi ng katawan ang biktima dahilan para umalma ang huli.
Sa galit ng suspek, pinagsasaksak niya ang biktima at nagtamo ng malalim na saksak sa kaliwang bahagi ng dibdib ng naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek subalit kalaunan ay nadakip rin ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation.
Nakakulong ngayon sa patung-patong na kaso ang suspek./Mary Anne Sapico