Home METRO Misis pinagtataga ng asawa sa selos

Misis pinagtataga ng asawa sa selos

MANILA, Philippines – “Kapag napuno na ang salop, dapat kalusin!”

Ito ang katwiran ng isang mister makaraan mapuno ito sa kanyang misis at naubos na ang pasensya dahilan para pagtatagain hanggang sa mamatay nitong Lunes, Pebrero 12 sa Iloilo City.

Kinilala ang biktimang si Emilyn Lasa, 50 anyos, nursing aide. Habang nadakip naman ang suspek at asawa nitong si Domingo, 56, at kapwa residente ng Barangay Bolilao, Mandurriao Iloilo City.

Batay sa report ng Mandurriao Municipal Police Station, natagpuan na lamang ang bangkay ng biktima sa likod ng Gaisano Capital Iloilo City Center (ICC) Mall na tadtad ng taga ng itak sa iba’t ibang parte ng katawan.

Ayon sa pahayag ng anak na si Che-che, bandang 6:00 AM magkasama ang kanyang mga magulang na umalis noong Lunes, subalit kinagabihan ay hindi na nakabalik pa ang kanilang ina.

Hanggang natagpuan na lamang ang bangkay nito sa likod ng nasabing mall na tadtad ng taga sa ulo at iba pang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Sumuko naman sa pulisya ang suspek at sinabing ginagawa lamang siyang robot ng kanyang misis at naging sunud-sunuran na lamang siya hanggang sa naubos na ang kanyang pasensya.

Nakakulong ngayon sa lock-up facility ng Mandurriao Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong parricide. Mary Anne Sapico

Previous articleTesting ng surface-to-sea missile binantayan ni Kim Jong Un
Next articleZubiri sa isyu na palautos sa mga senador: ‘Not in my character’