MANILA, Philippines – Sugatan ang isang mister matapos laslasin ng gunting ang kanyang leeg ng kanyang misis na lasing nang mabuwisit ang huli sa ginawang paninita ng una sa pakikipag-inuman sa kanyang mga barkada sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City nitong Martes ng umaga, Pebrero 7.
Kinilala ang biktima na si Bryan Mente Tajanlangit, 34 anyos, call center, habang ang asawa nito ay nakilalang si Marivic Marimat Tajanlangit, 35, housewife, tubong Dumaguete, kapwa nakatira sa No. 1702 Jonas St., Jordan Plains Subd., Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Q.C.
Base sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station 4, bandang 9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-asawa.
Sa imbestigasyon ni PSSg Germito M Loria Jr., kauuwi lamang umano mula sa pinagtatrabahuhang call center ang mister nang madatnan nito ang misis na nakikipag-inuman pa sa kaniyang mga kabarkada.
Dahil dito ay nagalit ang mister kaya umalis na rin ang mga kainuman ng kaniyang misis na noon ay lango pa sa alak.
Dito ay nagtalo ang dalawa at dahil sa napahiya sa kaniyang mga barkada ay galit na kumuha ng gunting ang misis at nilaslas ang leeg ng mister.
Agad na nagtatakbo sa labas ng kanilang tahanan ang lalaki at humingi ng saklolo sa kanilang mga opisyal ng barangay at ipinaaesto ang kaniyang misis.
Agad naman na dinala sa Commonwealth General Hospital ang biktima para bigyan ng karampatang lunas ang tinamo niyang sugat sa leeg.
Nabatid na sa loob ng limang taon pa lang na nagsasama ang mag-asawa ay nabiyayaan na sila ng tatlong anak.
Nakapiit na ang ginang habang inihahanda ang kasong frustrated murder. Jan Sinocruz