ILOCOS SUR-Sugatan ang isang 44-anyos na misis matapos na aksidenteng mabangga ng motorsiklo habang tumatawid sa highway sa Brgy. Guimod, Bantay ng lalawigang ito.
Kinilala ng Bantay Municipal Police Station ang pedestrian na si Leah Lopez y Mira, may asawa, residente ng naturang lugar.
Nakilala naman ang driver ng Suzuki Raider motorcycle na si Christian Padayao y Castro, 21, walang asawa, residente ng Brgy. Immayos Norte, San Juan, Ilocos Sur.
Base sa CCTV footage na nakuha ng Bantay PS mula sa operation center ng naturang bayan, tinatawid ng pedestrian ang highway galing silangan papuntang kanluran nang aksidenteng mabangga ng motorsiklo.
Ang pedestrian ay agad na dinala sa Northside Doctors Hospital samantalang ang driver ng Suzuki Raider ay dinala naman sa Metro Vigan Hospital sa Bantay, Ilocos Sur.
Bagamat may suot na helmet ang driver ay nagtamo rin ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan dahil sa naturang aksidente. Rolando S. Gamoso