MANILA, Philippines – Sa gitna ng mga hamon sa healthcare system ng bansa, naging mahalagang bahagi ang programang Malasakit Center na itinataguyod ni Senator Christopher “Bong” Go upang suportahan ang mga pasyenteng nangangailangan ng tulong-medikal tulad ni Ariel Cariaga.
Si Ariel, isang 44-anyos na residente ng Sampaloc, Maynila, ay nadiskubreng may Chronic Kidney Disease (CKD) Stage 5 noong nakaraang buwan.
Ang malagim na katotohanang ito ay dumating sa kanya, kasama ang pasanin ng magastos na paggamot at dialysis.
Gayunman, sa tulong ng Malasakit Center ay lubos na naibsan ang problema niya sa pananalapi, kaya nabigyan si Ariel ng pagkakataong patuloy na lumaban at magkaroon ng mas mabuting kalusugan.
“Malaking tulong talaga siya kasi ‘di ba kapag nag-dialysis ka kasi every dialysis mo nababawasan ka ng dugo. So kailangan mo talaga ng injection ng epoetin,” ang kuwento ni Ariel.
“Dahil sa tulong ni Senator (Go), kahit papaano nabawasan ‘yung bigat na dinadala namin lalo sa pinansyal, sa gastos,” idinagdag niya.
Humingi ng tulong si Ariel sa Malasakit Center na matatagpuan sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City, naging pundasyon sa pagtiyak na ang mga indibidwal na tulad ni Ariel ay magkakaroon ng access sa medical care na walang pinapasan na mga bayarin.
Pinagsasama-sama sa Malasakit Centers ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Ang one-stop shop na ito ay tumutulong sa mahihirap na pasyente na mabawasan ang kanilang mga gastos sa ospital sa pinakamababang halaga.
Bukod sa nasa NKTI, may Malasakit Centers din sa Lung Center of the Philippines, Novaliches District Hospital, Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, East Avenue Medical Center, Veterans Memorial Medical Center, Philippine Orthopedic Center, National Children’s Hospital, Philippine National Police (PNP) General Hospital, at Quirino Memorial Medical Center.
Sa ngayon ay may 159 operational centers na ang nakatulong sa mahigit 7 milyong Pilipino sa buong bansa.
“Sa mga pasyente, lapitan niyo lang ang Malasakit Center dahil para ‘to sa inyo. Kung may hospital bill kayo, nandiyan ang mga ahensya ng gobyerno na tutulong para mabayaran ito,” ani Go.
Ang inisyatiba ng Malasakit Center ay salamin ng dedikasyon ni Go na iangat ang buhay ng mamamayang Pilipino. Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, hindi mabilang na buhay ang naaantig, napagaan ang mga medikal na pasanin, at nanumbalik ang pag-asa sa puso tulad ni Ariel na ngayon ay umaasa sa mas malusog na hinaharap.
“Maraming salamat po sa Malasakit Center kasi dahil po sa kanila kahit papaano nababawasan po ‘yung bigat na dinadala namin, hindi lang po ako kundi sa family ko po. Nakatulong po siya nang malaki sa buhay po namin,” ang sabi ni Ariel.
Samantala, binigyang-diin ni Go na ang mga salaysay ng katatagan at pag-asa mula sa mga tinulungan ng programa ay nagsisilbing inspirasyon niya para sa tuloy-tuloy at dedikadong serbisyo publiko. RNT