Home METRO Mister nag-iskandalo sa NAIA, pasaporte ni misis pinunit!

Mister nag-iskandalo sa NAIA, pasaporte ni misis pinunit!

MANILA, Philippines – NAGKAROON ng tensyon sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Miyerkules, Enero 10 makaraang mag-iiyak ang isang babaeng Overseas Filipino worker (OFW) matapos punitin ng kanyang asawa ang kanyang passport at iba pang travel documents patungong Qatar.

Nabatid na ang nasabing babae ay isang domestic helper at pitong taon nang nagtatrabaho sa Qatar.

Lilipad na sana pabalik ng nasabing bansa ang OFW ngunit dumating ang kanyang asawa sa airport at pinunit ang kanyang passport at boarding pass.

Ayon sa biktima, ayaw umano siyang paalisin ng kanyang asawa ngunit ang katwiran nito ay magtatrabaho siya para sa kanilang mga anak.

Nabatid sa biktima na nakipaghiwalay umano siya sa kanyang asawa noong bisperas ng Bagong Taon, Disyembre 31, 2023 matapos dumanas ng pang-aabuso sa kanilang tahanan.

Ayon sa biktima, ayaw na umano niyang makasama ang kanyang asawa sa kanilang tirahan dahil lagi umano itong binubugbog.

Sa pitong taon umano niyang pagtatrabaho sa ibang bansa ay hindi man lamang umano naghanap ng trabaho ang kanyang dating mister.

Inaresto naman ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) ang suspek na nakakulong ngayon at sumailalim sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Philippine Passport Act at Violence Against Women and Children Act (VAWC).

Nabatid na nahaharap ang suspek sa pagkakakulong mula anim na taon hanggang 15 taon at maaaring pagmultahin ng mula P60,000 hanggang P150,000 dahil sa pagsira sa passport.

Gayundin, maaari itong makulong mula anim na buwan hanggang 20 taon at maaaring pagmultahin ng P100,000 hanggang P300,000 dahil sa paglabag sa VAWC Law. JAY Reyes

Previous articleLakers inilampaso ng Suns
Next articlePBBM may paalala sa DSWD