Home OPINION MISTERYOSONG RICE PRICE CAP 

MISTERYOSONG RICE PRICE CAP 

243
0

HABANG pinalalabas ng gobyerno na nilalabanan nito ang hoarders at mga nagmamanipula ng presyo, ang totoong napupuruhan sa problema ay ang mga nagtitinda patingi-tingi ng bigas, mga magsasaka, at mga ordinaryong mamamayan na matagal nang hirap magdelihensiya nang pagsasaluhan sa mesa.

At ang reyalidad sa usapang ekonomiya, ramdam ng mga rice retailer ang epekto ng price cap na ipinatutupad ng administrasyong Marcos. Tumataginting na P7,500 kada araw – ito ang nalulugi sa kanila dahil sa polisiyang ito, at ramdam nila ang 7,500 dahilan para madismaya. Hindi ito maliit na halaga, dahil kung susumahin, aabot ito sa kabuuang P49,000 kada linggo.

Dagdag insulto pa nang binigyang-katwiran ng administrasyon ang taas-presyo ng bigas na epekto raw ng hoarding at pagmamanipula sa presyuhan. Puring-puri naman ng National Economic and Development Authority ang price cap, sinabing ang pagtataas ng presyo ng bigas ay bahagi raw talaga ng isang sabwatan.

Marahil siguro nga.

Pero ano nga bang ginagawa n’yo, Finance Secretary Ben Diokno, na sumuporta pa talaga sa kalokohang price control na ito? Sinabi ni Diokno na isa itong panandaliang remedyo laban sa mga naghahari-harian sa merkado sa paggawa ng mga non-competitive practice. Mr. Diokno, minsan, ang panandaliang remedyo ay nagreresulta sa pangmatagalang sakit ng ulo.

Baka lang nakalimutan ni Diokno ang itinuturo ng economic theory: ang pagtatakda ng mandatory price cap ay magpapalaki ng demand at magbabawas sa supply, na nauuwi sa kakulangan.

Napapailing na lang sa pagkadismaya ang mga ekonomista. Si Finance Undersecretary Cielo Magno, na ang Facebook post ay may patama sa maling desisyon ng Pangulo na magpatupad ng rice price cap, ay napataas ng kilay. Ayon sa insiders, pinagbitiw raw siya sa puwesto dahil lang sa pagpo-post ng isang simpleng chart ng law of supply and demand.

Bagama’t isa lamang itong pangkaraniwang academic discussion, malinaw na hindi ito matanggap ng administrasyon sa paraan ng isang edukado. Isa raw iyong insulto sa Punong Ehekutibong nag-aral sa Wharton! Ito marahil ang dahilan kaya hindi niya kinonsulta ang sariling economic team bago niya bitiwan ang price control bomb. Kahit mismong si Diokno, aminadong nagulat siya!

Ano kaya ang tunay na agenda ng lahat ng ito?

Isang matalinong trade official ang nagbigay ng clue: siguro raw, may posibilidad na ang paandar na price cap na ito ay isa lamang set-up para sa ibang bagay. Buksan kaya natin ang floodgates para sa rice imports? Bagamat totoong agarang remedyo ang hatid ng pagpapababa sa taripa at pagpapahintulot na dumagsa sa merkado ang mga bigas mula sa ibang bansa, hindi sasapat ang mga ito para maresolba ang totoong problema.

Tanungin natin ang Presidente. Ay, nalimutan ko, 66th birthday pala niya, at iniwan na naman niya tayong nag-aabang, dahil may mas importante raw na dapat niyang pagtuunan ng pansin kaysa tugunan ang problema ng ating ekonomiya at supply ng pagkain: ang 30-minutong speech na nakatakdang ilahad niya sa Milken Institute sa Singapore.

*        *        *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

Previous articleHINANAKIT SA MAKATI LGU, IDINAAN SA SOCIAL MEDIA
Next articleHEALTH AND SAFETY RULES PALAKASIN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here