Home HOME BANNER STORY Miting kay PBBM ‘di na tinuloy ng MANIBELA, transport strike tuloy na...

Miting kay PBBM ‘di na tinuloy ng MANIBELA, transport strike tuloy na tuloy!

MANILA, Philippines – Tuloy na tuloy ang planong transport strike bukas, Oktubre 16 ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA).

Ito ay makaraang makansela ang pagpupulong ng grupo kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong hapon, sinabi ng pangulo ng grupo na si Mar Valbuena.

Ani Valbuena, personal niyang hiniling na kanselahin na lamang ang meeting dahil sa mga isyu ng ilang taong tinawag niyang “corrupt.”

“May mga taong ayaw maayos ito at baka mabuking ang kanilang mga kalokohan. Tsaka ko na sasabihin [kung sino sila], malapit na. Mga corrupt talaga ito,” aniya.

“‘Yun lang ang nabalitaan na may meeting, hinarang na. Sangkot siguro ‘to sa anomalya. Kilala ko sila, binanggit sa’kin. Pero hindi ko muna sasabihin… Ako na nag-request na mag-cancel kung ganoon ang isyu nila,” dagdag pa.

Wala pang komento si Presidential Communications Office Secretary Cheloy Velicaria-Garafil kaugnay nito.

Nitong Sabado, matatandaan na sinabi ni Valbuena na posible pang makansela ang transport strike kung magkakasundo sila at ang pamahalaan bago mag-Lunes.

Ang planong transport strike ay protesta laban sa deadline ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board’s (LTFRB) sa consolidation ng traditional jeepneys bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program. RNT/JGC

Previous articleZambales nagluluksa sa pagpanaw ni ex-Vice Gov. Ramon Lacbain II
Next articleWebsite ng Kamara na-hack din!