OSLOB, Cebu City- Dinakip ng mga awtoridad ang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) mataps umanong tutukan ng baril ang isang binata nitong Biyernes sa bayang ito.
Agad na nahuli ng mga awtoridad ang suspek na si Niño Jade Diaz Culanag matapos ireklamo ni Mike Adong, 19-anyos ng nasabing lugar.
Batay sa report ng Oslob Police Station, bandang ala-1 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa isang convenience store sa Barangay Poblacion, ng naturang lungsod.
Ayon kay Adong, kumakain siya sa labas ng convenience store kasama ang mga kaibigan nang dumating ang suspek at napatingin sila subalit bigla na lamang silang nilapitan at tinutukan siya ng baril.
Sa takot ni Adong mabilis silang umalis ng convenience store at nagtungo sa himpilan ng pulisya saka isinumbong ang pangyayari.
Bandang alas-4 ng madaling araw ay nadakip ng mga rumespondeng pulis ang suspek sa labas ng convenience store habang nakaupo sa kanyang motorsiklo.
Kinapkapan ang suspek at nakuha sa bewang nito ang .45 caliber pistol na paso ang lisensya.
Nahaharap ngayon sa kasong grave threat ang suspek. Mary Anne Sapico