MAGUINDANAO DEL SUR- Sabog ang isang miyembro ng Dawlah Islamiyah (DI) na taga-gawa ng bomba matapos sumabog ang umano’y hawak nitong bomba nitong Linggo sa bayan ng Datu Salibo.
Ayon kay Major Saber Balogan, tagapagsalita ng Army 601st Infantry Brigade, kinilala ang nasawi na isang commander “Pagadian” ng DI-Torayfe Group.
Batay sa report ng 601st Infantry Brigade, naganap ang pagsabog dakong alas-7:30 ng umaga sa Barangay Sambulawan, Datu Salibo.
Wala namang naiulat na sibilyan na nasaktan sa pagsabog subalit nagdulot ng takot sa mga residente sa nasabing lugar.
Sinabi ng militar, inaalam pa nila kung may kinalaman sa halalan at ang motibo ng biktima sa pagtatanim ng bomba kung saan ang Datu Salibo ay kabilang sa mga lugar kung saan nag-ooperate ang mga lokal na teroristang grupo ng Daesh-inspired DI at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ikalawa na ang naganap na pagsabog noong Linggo sa Datu Salibo mula sa isang bomb courier sa Maguindanao del Sur ngayong buwan.
Naitala ang unang pagsabog noong Oktubre 14, na ikinamatay din ng isang lokal na terorista na kinilalang si Tantrex Amerudin Eskak, miyembro ng BIFF ng aksidenteng sumabog ang improvised na bomba na kanyang ginagawa sa Barangay Malangog, Datu Unsay. Mary Anne Sapico