MANILA, Philippines- Sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Don Artes na hindi “discriminatory” ang plano ng ahensya na pagmultahin ang motorcycle riders na sumisilong sa ilalim ng flyovers at footbridges, at iginiit na para ito sa kaligtasan ng lahat ng motorista.
“Maling sabihin na ang hakbang na ito ng MMDA ay diskriminasyon sa hanay ng mga motorcycle rider. Hangad po ng aming ahensiya ang kaligtasan ng mga nagmomotorsiklo,” giit ni Artes nitong Sabado sa isang Facebook post.
Inihayag ito ni Artes matapos tawagin ni 1-Rider Party-List Rep. Rodge Gutierrez ang plano ng MMDA bilang “inhumane” at “anti-poor.”
“Maganda ang intension ng MMDA na maibsan ang pagsisikip ng trapiko. Ngunit tila hindi makatao ang panuntunang nais nilang ipatupad laban sa mga nagmamaneho ng motorsiklo, at isa itong anti-poor o pagmenos sa ating mga ‘kagulong,’” sabi ni Gutierrez.
Inilahad ni Artes na bibigyan ng traffic violation ticket ang mga motoristang makikita na sumisilong sa ilalim ng flyovers at footbridges, subalit balak ng ahensya na magtalaga ng shelters para sa riders sa gasoline stations.
Ani Artes, ang pananatili sa mga nasabing istruktura ay nagdudulot ng mabigat na dalot ng trapiko at maaari pang magresulta sa aksidente sa daan.
Aniya, ang mga mahuhuling lumalabag sa bagong polisiya ay pagmumultahin ng ₱500 para sa obstruction.
“Soon, ‘pag naayos na natin ang ating systema, particularly ‘yung mga nasa gasoline station, we will strictly enforce na po ‘yung pag-issue ng ticket sa mga magba-violate,” pahayag ni Artes.
Giit naman ni Gutierrez, hindi siya taliwas sa mga polisiya ng MMDA. Subalit aniya, dapat maintindihan ng ahensya ang mga rider na exposed sa matinding init at mababasa ng ulan bago pa sila umabot ng gasoline station para makisilong. RNT/SA