MANILA, Philippines- Pagmumultahin ang motorcycle riders na sisilong mula sa ulan sa ilalim ng mga overpass simula August 1, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Lunes.
“We’re looking at August 1,” pahayag ni MMDA acting chairperson Romando Artes nang tanungin kung kailan sila magsisimulang magpataw ng multa para sa nasabing violation.
“We’re giving sufficient notice dahil ito po naman ay batas na kailangan naman naming ipatupad,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Artes na magpapataw ng P1,000 multa sa rider sa paggambala sa trapiko.
“Linawin ko lang, hindi natin sila pinagbabawalan na sumilong saglit, magsuot ng kapote, at umalis para hindi sila mabasa. Ang pinagbabawal natin ay ‘yung pagtambay at pagsilong na nagpapatila ng ulan,” paglilinaw naman niya.
Giit ni Artes, ang mga magtatagal sa ilalim ng overpass upang hintayin ang pagtila ng ulan ang pagmumultahin.
Bukod sa pagdudulot ng masikip na daloy ng trapiko, inihayag ni Artes na ang pananatili nang matagal sa ilalim ng overpass ay banta rin sa kaligtasan ng motorista.
Aniya, pwedeng manatili ang mga driver sa itinalagang motorcycle lay-by areas tuwing umuulan. RNT/SA