Home METRO MMDA: Number coding suspendido sa Hunyo 17

MMDA: Number coding suspendido sa Hunyo 17

MANILA, Philippines- Suspendido ang number coding scheme sa Metro Manila sa Lunes, Hunyo 17, 2024, sa paggunita ng bansa sa Eid’l Adha o ang Feast of Sacrifice.

Sa Facebook advisory na ipinost nitong Sabado, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sususpendihin ang pagpapatupad ng coding scheme kasunod ng holiday declaration ng Eid’l Adha.

Nauna nang idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Hunyo 17 bilang isang regular holiday. Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin batay sa awtoridad ng Pangulo, nakasaad sa Proclamation 579 na isa ang Eid’l Adha sa dalawang “greatest feasts” ng Islam.

Sinabi nito na ang deklarasyon ng regular holiday ay alinsunod sa rekomendasyon ng National Commission on Filipinos, batay sa 1445 Hijrah Islamic Lunar Calendar.

Sa ilalim ng number coding scheme, ipinagbabawal ang mga sasakyan sa major thoroughfares sa Metro Manila mula alas-7 hanggang alas-9 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi, depende sa huling numero ng kanilang plaka. RNT/SA