MANILA, Philippines – Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Miyerkules, Hunyo 14 sa mga motorista na huwag dumaan sa EDSA Bus Carousel Lane.
Ito ay kasunod ng insidente kung saan nasawi ang isang motorcycle rider.
Sa press conference sa MMDA head office sa Pasig, sinabi ni MMDA acting chair Romando Artes na kapwa binabagtas ng rider at puting sports utility vehicle (SUV) ang bus lane nang mangyari ang insidente.
Ani Artes, nabangga ng SUV ang rider at nagulungan pa ng tanker malapit sa bus lane sa EDSA Shaw Boulevard tunnel bandang alas-5 ng umaga.
“It is with profound sadness that this incident happened. We express our deepest condolences to the family of the rider. We pray for their comfort in this difficult time,” aniya.
Dahil dito, inulit ng MMDA na ang bus lane ay para lamang sa mga pampasaherong bus, ambulansya at markadong government vehicles na tumutugon sa emergency cases.
“We keep on reminding motorists not to use the innermost lane of EDSA as it may result in an accident, but despite our repeated calls and pleas, many drivers of privately-owned vehicles and motorcycle riders disregard the policy,” sinabi ni Artes.
Naiturn-over na rin ang closed-circuit television (CCTV) footage ng insidente at iba pang ahensya, sa Philippine National Police (PNP) para mas maimbestigahan.
Nanawagan din ang MMDA sa hindi pa tukoy na driver ng SUV na boluntaryong sumuko na sa mga pulis.
Samantala, ibinahagi rin ni Artes na nakapagtala ng pagtaas sa bilang ng mga aksidente sa Metro Manila sa huling bahagi ng 2022, sakto sa suspensyon ng no contact apprehension policy ng MMDA.
“The monitored traffic violations since the suspension of NCAP have also increased. In May of this year alone, 32,739 traffic violations were recorded. These traffic violations cause road accidents and slow down vehicular traffic,” aniya.
Bilang tugon, makikipag-ugnayan umano ang MMDA sa Office of the Solicitor General upang muling bisitahin ang mga datos at maghain ng mosyon sa Korte Suprema na ikonsider ang pag-aalis ng temporary restraining order (TRO) sa NCAP.
“We find it difficult to enforce the exclusivity of the said lane without the certainty of a CCTV-assisted apprehension, thereby exposing our motorcycle riders to a greater risk.”
Matatandaan na naglabas ng TRO ang SC laban sa NCAP noong Agosto 30, 2022 dahil sa reklamo na rin ng mga motorista at stakeholders sa transportation sector. RNT/JGC