MANILA, Philippines – Sinabi ng Pharmaceutical at biotechnology firm na Moderna nitong Huwebes, Mayo 18 na puspusan na sila upang makabuo at makapagbukas ng service center facility nito sa Pilipinas sa ikatlong bahagi ng taon.
Sa panayam ng ANC, sinabi ni Moderna Senior Vice President Patrick Bergstedt na ang Philippine service center ng Moderna ay isa lamang sa tatlong service center nito sa mundo, sunod sa Georgia at Poland.
“We are moving at speed and we hope to have this facility operational in the third quarter by September,” ani Bergstedt.
Ang service facility ng Moderna ay para sa financial services, human resource services, regulatory at IT.
Ito rin ay para sa “pharmacovigilance” o “monitoring of the safety and tolerability of vaccines.”
Nang tanungin naman kung bakit Pilipinas ang napili ng Moderna para rito sa halip na ang ibang bansa sa rehiyon, sinabi ni
Bergstedt na ito ay dahil sa mga dekalibreng mga manggagawa at organisadong IT-BPM space.
“It’s really the quality of the people and that your shared service business is really an established business,” sinabi pa niya.
Ayon sa Moderna, posible silang tumanggap ng 40 hanggang 50 empleyado bago matapos ang taon at patuloy pang lalawak sa mga susunod na taon.
Kilala ang Moderna sa COVID-19 vaccine ngunit maliban dito ay mayroon din silang bakuna sa iba pang mga sakit. RNT/JGC