Home OPINION MODERNISASYON NG BFP,  POSIBLENG MAANTALA

MODERNISASYON NG BFP,  POSIBLENG MAANTALA

NAMUMURONG maantala nang husto ang programang modernisasyon ng Bureau of Fire Protection dahil sa mga nasisilip na iregularidad ng House Committee on Public Order and Safety ng Kamara de Representante sa proseso nang pagbili ng mga bagong fire truck.
Kasi nga sa naganap na pagdinig ng Komite ng Kongreso na pinamumunuan ni Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez, nasilip ang kahina-hinalang paggamit ng Toyota Fortuner ng mismong pinuno ng Technical Working Group  ng Bids and Awards Committee  ng Bureau of Fire Protection (na pag-aari ng kawani ng napaborang bidder na magsu-supply ng mga bagong fire trucks sa ahensiya.
Dahil dito, hiniling ng komite na huwag munang ituloy ang bidding dahil nabahiran nang paghihinala na may nangyayaring hokus-pokus sa proseso nang isinagawang bidding na pumabor sa isang kompanya na laging nagwawagi o laging napapaboran sa tuwing mayroong bibilhing gamit ang BFP.
May kapangyarihan kasi ang Kongreso na humirit kung dapat bang ituloy o hindi ang bidding kapag may nasilip silang iregularidad sa proseso dahil sila ang naglalaan ng kaukulang budget na ipagkakaloob sa ahensiya tulad na lang ng paglalaan sa pagbili ng 120 bagong fire trucks na kanilang pinaglaanan ng P1.5 bilyon budget kaya dapat lang na mabusisi nila kung papaano ito gugugulin.
Sa naturang pagdinig, isa sa mga naghahangad lumahok sa bidding ang nagbigay ng impormasyon sa komite hinggil sa paggamit ng isang mamahaling sasakyan ni Fire Supt. Jan Gary Lunas, ang pinuno ng Technical Working Group ng Bids and Awards Committee ng BFP na pagmamay-ari ng isang kawani ng F. Cura Industries, ang nanalong bidder sa pagsu-supply ng fire trucks.
May iprinisinta pang video ang private investigator ng isa sa mga bidder kaya hindi maikaila ng opisyal ang paggamit ng Toyota Fortuner at ikinatuwiran na binili niya ito at binabayaran ng hulugan buwan-buwan.
Kaya lang, hindi maipaliwanag ng husto ni Supt. Lunas kung magkano ang halaga at magkano ang buwanan niyang hulog sa sasakyan kaya tinanong din siya kung sa kanyang akala ay wasto ba o imoral ang ginawa niyang pagbili sa kawani ng nagwaging bidder.
Sabi ni Lunas, wala naman siya nakikitang mali sa pinasok na transaksiyon bagama’t hindi pa rin niya naipaliwanag ang buong detalye nito.
Sa ganitong mga uri ng katanungan ng mga mambabatas at kasagutan ng pinuno ng TWG ng BAC, sino sa palagay ninyo ang paniniwalaan ng madlang pipol?
Kaya pati tuloy ang pamunuan ng BFP, sa pangunguna ni Director Louie Puracan, ay nagsabi sa Kongreso na magasagawa sila ng hiwalay na imbestigasyon sa kontrebersiyang kinasasangkutan ni Supt. Lunas.
Previous articleKAPAKANAN NG KOMUNIDAD PRAYORIDAD NG NCRPO
Next article“2023 Seal of Good Local Governance award” nasungit ng Polangui, Albay