Home NATIONWIDE Money ban ikinasa ng Comelec vs vote buying, selling

Money ban ikinasa ng Comelec vs vote buying, selling

MANILA, Philippines- Plano ng Commission on Elections (Comelec) na magpataw ng “money ban” para labanan ang pagbili at pagbebenta ng boto sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.

Sa isang panayam noong Martes, sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na sa ilalim ng Section 27 ng draft ng Kontra Bigay resolution, maaaring ituring ng poll body na vote buying o selling ang “possession or transport” ng cash na lampas sa P500,000 limang araw bago ang araw ng halalan.

Gayunman, sinabi ni Garcia na ang mga indibidwal na may justifiable backgrounds ay exempted kabilang ang businessmen at disbursement officers o cashiers, bukod sa iba pa.

Ang lahat ng awtoridad ng pulisya ay inatasang magsagawa ng 24-hour money ban checkpoints sa buong bansa.

Sinabi ni Garcia na bagama’t wala sa ilalim ng batas ang mga hakbang na ito, hindi rin ipinagbabawal ang pagtatakda nito.

Sinabi ni Garcia na isinumite ng Comelec ang draft ng Kontra Bigay resolution sa en banc para sa pag-apruba sa panukalang money ban at iba pang mga hakbang, at pagtatakda ng mga guidelines.

Bukod sa pagdadala o paghahatid ng malaking halaga ng pera, layunin din ng Comelec na subaybayan ang paghahati ng hindi bababa sa P20,000 cash sa mas maliliit na denominasyon na P100s, P50s o P20s.

Target din makipag-ugnayan sa mobile banking at digital payment platforms upang matiyak na hindi ito ginagamit para sa pagbili o pagbebenta ng boto.

Sa ilalim ng draft resolution ng Comelec, ang mahabang pila ng mga rehistradong botante para sa pamamahagi ng cash o iba pang pabor ay sasailalim din sa aksyon ng mga alagad ng batas.

Bukod sa mahigpit na monetary measures, hangad din ng Comelec na lumikha ng opisyal na Kontra Bigay committee, na may complaint center para sa kahusayan.

Inaasahang gagana ang complaint center mula Agosto 28 hanggang Oktubre 28 mula 8 ng umaga hanggang 5 ng hapon at 24/7 simula Oktubre 29 hanggang 31.

Samantala, tiniyak naman ng Philippine National Police (PNP) na paiiralin nito ang maximum tolerance kapag nagsasagawa ng mga inspeksyon sa mga checkpoint.

Aniya, exempted ang mga messenger, cashier at iba pang empleyado na ang trabaho ay may kinalaman sa pagdadala ng pera para sa kanilang mga kompanya at ang kailangan lang nilang ipakita ay ang kanilang company ID bilang patunay ng kanilang trabaho.

Sinabi ni Maranan na patuloy nilang babantayan ang 27 “areas of grave concern” para sa darating na BSKE.

Mahigpit ding binabantayan ng PNP ang probinsya ng Negros Oriental at ang mga lugar sa Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao na binabantayan na ang mga pagsasaayos ng seguridad ay gagawin sa mga lugar na ito kung kinakailangan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleP2-P5 dagdag-pasahe sa PUJs inihirit
Next articleVP Sara nakidalamhati sa pagpanaw ni DMW chief Susan Ople