Home METRO Most wanted sa Bicol timbog sa NBI!

Most wanted sa Bicol timbog sa NBI!

MANILA, Philippines- Arestado ng National Bureau of Investigation-Bicol Regional Office (BRO) at Laguna District Office (LagDO) ang isang lalaki na most wanted criminal sa Bicol Region.

Kinilala ang suspek na si Ruel Cabrillas na  responsable umano sa pagpatay kina Gilbert Quinzon at Glen Quinzon na naiulat na nawawala noong Hunyo 6, 2021 at natagpuan ang mga labi noong Hunyo 2022.

Si Cabrillas din ay sangkot umano sa pananaga at pagpugot sa biktimang sina Newin Ansay at Marlon Ansay.

Sinasabi ring miyembro ng Gilbert Concepcion group si Cabrillas.

Si Concepcion at kanyang grupo ay mga suspek sa pagpatay sa tinatayang nasa 30 police assets sa Libon, Albay.

Isinampa ng NBI-BRO ang kasong Special Complex Crime of Kidnapping with Murder laban kina Concepcion, Cabrillas at Boboy Mariano alyas “Vince” at alyas “Bay.”

Enero 18,2024 naman nang naglabas ng warrant of arrest ang RTC Ligao City sa kasong kidnapping with murder laban kay Cabrillas.

Samantala, nakatanggap ng impormasyon ang NBI-BRO na maaaring matagpuan si Cabrillas sa Canlubang, Laguna.

Noong Enero 29, 2024 ay nagtungo sa Laguna ang mga operatiba ng NBI-BRO at nagsilbi ng warrant of arrest laban kay Cabrillas.

Boluntaryo namang sumuko si Cabrillas na umaming gumagamit ang pangalang Ruel Arrellano upang makaiwas sa batas. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleDesisyon laban sa 2 environmental activist iniapela sa DOJ
Next articleKARAPATAN AT KAPAKANAN NG MGA MANGGAGAWA, BINABANTAYAN NG DOLE