MANILA, Philippines – Sa pag-aakalang ang pinto ng sarili nitong tahanan ang magbubukas sa kanyang pag-uwi, rehas na bakal pala ang naghihintay sa isang lalaking may 12 taon nang wanted sa pulisya sa kasong panggagahasa nang masakote ito sa Valenzuela City.
Ang suspek na si Ron Roque, 46 anyos, ay hindi na nakaporma nang ihain sa kanya ng Valenzuela-PNP ang warrant of arrest sa kasong panghahalay may 12 taon na ang nakararaan.
Batay sa report, matapos makarating sa kaalaman ng tanggapan ng Northern Police District (NPD) sa muling pagbabalik ng suspek sa tinitirhan nito sa No. 221 Lords Cancle St., De Castro Subdivision sa Mapulang Lupa, ay agad na itong nagkasa ng operasyon.
Alas-10:50 ng gabi nang magtungo ang mga operatiba sa kinaroroonan ng suspek kasunod ng pagkakaaresto dito.
Dito, inihain ang warrant of arrest na ipinalabas ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Acting Presiding Judge Jose C. Fortuno ng Branch 75 noong Marso 7, 2011 kaugnay sa kasong panggagahasa makaraang mabigong sumipot sa mga pagdinig ang akusado.
Ayon sa pulisya, si Roque ay itinuturing na Most Wanted Person matapos itong magtago nang matagal.
Pansamantalang ikinulong sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela PNP ang akusado habang hinihintay pa ang commitment order na ilalabas ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail. Merly Iral