NADAKIP ng pulisya ang 46-anyos na lalaki na nakatala bilang most wanted isang araw matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang hukuman sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong akusado bilang si Ramel Basco y Altamia alyas Ramil Altamia Basco, 46 ng Dulong Hernandez Street, Barangay Catmon.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Baybayan na nagsagawa ang mga tauhan ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section (WSS) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Maj. Jo-Ivan Balberona ng manhunt operation kontra wanted persons.
Katulong ang mga tauhan ng 4th MFC RMFB-NCRPO, naaresto ng WSS sa pangunguna ni PMSg Joel Rosales ang akusado dakong alas-12:40 ng madaling araw sa kahabaan ng Maya-Maya street, Barangay Longos.
Ani Maj. Balberona, ang akusado ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Abigail Santos Domingo-Laylo ng Family Court Branch 4, Malabon City, nito lamang September 5, 2023, para sa dalawang bilang ng kasong Acts of Lasciviousness in rel. RA 7610 at dalawang bilang din ng paglabag sa Sec. 4(A) of R.A 11930.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Malabon police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order ng korte. (Boysan Buenaventura)