ILOCOS SUR- Isa ang namatay samantalang dalawa pa ang sugatan matapos na aksidenteng mabangga ng isang van ang isang motorsiklo sa Brgy. San Nicolas, San Esteban ng lalawigang ito kagabi.
Kinilala ng San Esteban Municipal Police Station ang driver ng Yamaha Sniper motorcycle na si Christian Lunugan, 20, walang asawa, residente ng Brgy. Lucaban, Burgos, Ilocos Sur.
Kinilala naman ang driver ng Toyota Hi-Ace van na si Cesar Secretario y Aron, 48, walang asawa, residente ng Marikina City.
Nabatid na ang van ay bumibiyahe sa national highway patungong hilagang direksyon samantalang ang motorsiklo naman ay nasa kabilang lane patungong timog na direksyon.
Pagdating sa may sharp curve na bahagi ng highway, tinangka umano ng driver ng van na mag-overtake sa sinusundan nitong sasakyan kaya nakasalubong nito at nabangga ang motorsiklo sa kabilang lane.
Ang driver ng motorsiklo ay isinugod sa Ilocos Sur District Hospital sa Narvacan, Ilocos Sur ngunit idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor.
Bagama’t hindi nasaktan o nasugatan ang driver ng Hi-Ace van, dalawa naman sa mga pasahero nito ang iniulat na sugatan.
Kinilala ang dalawang pasahero nito na sina Jhannel Corpuz, may asawa, Canadian citizen, at Lorna Antiporda, kapwa naninirahan sa Brgy. Nalvo, Sta. Maria, Ilocos Sur. Rolando S. Gamoso