MANILA, Philippines – Bumuo ng Special Investigation Team ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) para sa agarang pag-aresto sa mga tauhan ng MPD-District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) at sa isa nilang kasabwat sa nangyaring robbery extortion noong Hulyo 1 sa Sampaloc, Maynila.
Ayon ito kay District Director P/Brig. Gen. Andre Dizon, matapos na ireklamo ang ilang tauhan ng nasabing unit.
Ayon pa kay Dizon, hindi lamang ang limang pulis na sangkot sa pangingikil ang sinibak kundi lahat ng personnel ng DPIOU kasama ang kanilang hepe habang inihahain ang kasong administratibo at kriminal.
Binigyan diin ni Dizon na hindi niya kukunsintihin ang anumang masamang gawain ng kanyang tauhan lalo na’t nakakaapekto ito sa moral ng kanilang hanay.
“The MPD is committed to further step up on the campaign against rogues in uniform and the intensified implementation of Internal Cleansing Program of the PNP. We will not tolerate any illegal activity of our policemen. Rest assured that the MPD will properly act with due process on all complaints against erring police personnel.”
Sa imbestigasyon, humingi ng saklolo sa pulisya ang negosyanteng si Herminigildo Dela Cruz y Mateo, 73, may-ari ng computer shop matapos na salakayin ang kanyang shop ng nagpakilalang mga pulis at nagsasagawa sila ng anti-illegal gambling operations.
Hiningan ng P40,000 ang negosyante na aniya ay pang-tuition sana ng kanyang apo bukod pa sa halagang P3,500 na kinuha sa kaha ng shop.
Ang nasabing halaga ay bilang kapalit upang hindi siya arestuhin dahil sa illegal gambling.
Hinihingan din ang negosyante ng P4,000 tuwing Biyernes ang naturang shop bilang protection money at tinangay ang hard disk drive na naglalaman ng CCTV footages sa loob ng computer shop.
Ang mga natukoy na mga pulis ay sina PSSg Ryann Paculan y Tagle, PSSg Jan Erwin Isaac y Santiago, PCpl Jonmark Dabucol y Gonzales, Pat John Lester Pagar y Reyes, Pat Jeremiah Pascual y Sesma na pawang nakatalaga sa MPD- DPIOU sa Ermita, Maynila, at Monay Martinez, na isang civilian asset na kasama nila nang mangyari ang insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden