Home NATIONWIDE MPT muling magpapatupad ng programa sa Semana Santa

MPT muling magpapatupad ng programa sa Semana Santa

MANILA, Philippines – Kaugnay sa paggunita ng Mahal na Araw sa susunod na linggo ay muling ipinatutupad ng Metro Pacific Tollways (MPT) South ang kanilang programang “Safe Trip Mo, Sagot Ko” na gagabay sa mga motorista sa pagbugso ng mga biyahero patungo sa kani-kanilang mga probinsya.

Sinabi ng MPT South na magdaragdag ng kawani ang itatalaga upang maging maayos ang pagpapatupad ng maayos na daloy ng trapiko, koleksyon ng toll, standby emergency medical services, at pagresponde sa iba’t-ibang insidente.

Mananatiling bukas sa mga motorista ang pagtawag sa 24/7 Customer Service Centers, 24/7 Customer Care Hotline sa 1-35000, at 24/7 social media channels (Facebook: fb.com/cavitexpressway, fb.com/OfficialCALAX, Twitter: twitter.com/caviteXpressway, twitter.com/OfficialCALAX) upang masiguro ang banayad na pagbiyahe ng mga motorista.

Nakikita ng MPT South ang walo hanggang 10 porsiyentong pagtaas ng mararanasang pagsikip ng trapik sa mga daan ng toll kabilang na ang Cavite-Laguna Expressway (CALAX) at Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) gayundin sa C5 Link segment.

Inaasahan ng MPT South ang pangyayaring pagsikip ng trapik simula Lunes (Marso 25) hanggang Linggo (Marso 31) mula sa dating 43,000 nararanasang trapik sa araw-araw sa CALAX, 170,000 sa CAVITEX, at 12,300 naman sa C5 Link.

Magkakaloob din ng libreng serbisyo ng towing para sa mga behikulong nakapaloob sa class-1 ang MPT South hanggang sa piakamalapit na exit mula alas 6:00 ng umaga sa Marso 22 hanggang alas 6:00 ng umaga sa Marso 25; alas 6:00 n.u. sa Marso 27 hanggang alas 6:00 n.u. sa Marso 29, 2024; at alas 6:00 n.u. sa Marso 30 hanggang alas 6:00 n.u. sa Abril 1.

Sususpindihin naman ng MPT South ang mga konstruksyon at pagsasagara ng ilang lanes sa kahabaan ng carriageway maliban na lamang na kinakailangan ang mga nararapat na pagsasagawa ng mga ito.

Binigyang diin ni MPT South president and general manager Raul L. Ignacio ang kahalagahan ng RFID para sa transaksyon sa toll upang magiging mas mapabilis ang biyahe ng bawat motorista.

Hinimok din ni Ignacio ang mga motorista na i-download ang MPT DriveHub app para episyenteng magamit ang kani-kanilang Easytrip RFID account at makatanggap na rin ng real-time traffic updates habang dumadaan sa kahabaan ng kalsada na nasasakupan ng MPTC toll.

Dagdag pa ni Ignacio na ang hindi maayos na pagmimintina ng sasakyan ang nananatiling nangungunang dahilan sa pagtirik ng mga sasakyan sa expressway na nagdudulot ng problema sa pagbiyahe ng mga motorista.

Pinapayuhan din ang mga motorista na ugaliin ang pagsasagawa ng BLOWBAGETS (battery, lights, oil, water, brake, air, gas, engine, tire, and self) sa kanilang mga sasakyan bago pa man umalis sa panggagalingan para sa mas matiwasay at walang problemang pagbiyahe patungo sa kani-kanilang paroroonan. James I. Catapusan

Previous articleBI nagbabala sa pekeng eTravel websites na naniningil ng bayad
Next articleRelokasyon ng ISFs sa Malabon, inihahanda na ng NHA para sa tag-ulan