Manila, Philippines – In street parlance, “nganga” ang It’s Showtime makaraang ilabas ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB nitong September 28, Huwebes ang resolusyon na nagbabasura sa isinumiteng Motion for Reconsideration ng nasabing programa.
Kinatigan lang kumbaga ng ahensya ang naging desisyon nitong patawan ng 12-day suspension ang It’s Showtime.
Ibig sabihin, hindi ito magkakaroon ng live broadcast sa loob ng labindalawang araw.
Nitong September 4 lumabas ang desisyon, pero hindi pa ito naipatutupad dahil sa inihaing MR ng programa.
Ang It’s Showtime ay pananghaliang programang umeere sa GTV at tatlo pang channel.
Ang board decision ay bunsod ng July 25 episode ng programa partikular sa Isip Bata segment nito.
May kaugnayan sa pagdila ng cake icing ang ugat ng reklamo na nangyari on air at sa presensya pa mandin ng mga bata.
Nitong September 27 sa budget hearing sa Senado, huminging enlightenment o paglilinaw si Senator Jinggoy Estrada mula kay
MTRCB Lala Sotto kaugnay ng 12-day suspension na ipinataw sa Showtime.
Ani Jinggoy, may mga nagsasabi raw na “severe” ang naging sanction ng ahensya.
Ayon naman Kay Sotto, may mga tao pa nga raw na humihiling na kanselahin ang programa.
Minsan nang nilinaw ni Sotto na hindi siya naging bahagi sa September 4 board decision.
Nag-boomerang kasi kay Sotto ang mga batikos sa pinamumunuang board to the point na personal na ang mga atake laban sa kanya.
May kasama pang pagbabanta ang mga ‘yon.
Samantala, nangako naman si Vice Ganda ng tulong pinansyal sa staff at crew na walang sasahurin sa loob ng 12 na araw.
Habang sinusulat ito’y wala pang reaksyon ang Showtime production. Ronnie Carrasco III